ANG KASAYSAYAN NG PAGSASALING WIKA SA DAIGDIG ANDRONICUS – kinikilalang unang tagapagsalin sa Europa. Isinalin niya sa nang patula sa Wikang Latin ang Odyssey ni Homer na nakasusulat sa Wikang Griyego noong 240 B.C. NAEVIUS at ENNIUS – gumawa ng mga pagsasalin sa Latin ng mga dulang Griyego katulad ng mga nagawa/nasulat ni Eurides. Nakatulong nang malaki sa pag-unlad ng mga bansa sa Europa ang pagsasaling wika, sa pamamagitan ng pagsasalin ng iba’t ibang sangay ng panitikan. Halimbawa, ang mabilis na pag-angat ng bansang Arabia mula sa kamangmangan noong ikalawa hanggang ikasiyam na siglo ay dulot ng pagsasaling wika na isinagawa mula sa wikang Griyego na noon ay principal na daluyan ng iba’t ibang karunungan. May pangkat ng mga Eskolar sa Syria na nakaabot sa Baghdad at doon ay isinalin nila sa Wikang Arabig ang mga sinulat ni Aristotle, Plato, Galen, Hippocrates at marami pang ibang kilalang pantas. Kaya nakilala ang Baghdad bilang isang paaralan ng pagsasaling wika. Ngunit, dumating ang panahon na nabaling ang atensiyon/kawilihan ng mga eskolar sa ibang bagay na pang-intelektuwal katulad ng pagsusulat ng mga artikulong pampilosopiya. Kaya pagkaraan ng tatlong siglo ay napalitan ng Toledo ang Baghdad bilang sentro ng karunungan at pagsasaling wika. ADELARD – nagsalin sa Latin ng mga sinulat ni Euclid na noon ay nasusulat sa Wikang Arabic. RETINES – isinalin sa wikang Latin ang Koran noong 1141. 1200 AD – Sa panahong ito, umabot sa Toledo ang mga orihinal na teksto ng mga literaturang nakasulat sa Wikang Griyego. Dahil dito, lumabas ang dakilang saling ng Liber Gestorum Barlaam et Josaphat na orihinal na nakasulat sa wikang Griyego. Ayon kay Savory, sa panahong ito umabot sa pinakataluktok ang pagsasaling wika. Noon rin nagsimula ang pagsasalin ng Bibliya. JACQUES AMYOT – isang Obispo sa Auxerre at kinilalang prinsipe ng pagsasaling-wika sa Europa. Isinalin niya sa wikang Aleman ang “Lives of Famous Greek and Romans” noong 1559. Ang salin na ito sa wikang Aleman ang pinagkunan ni SIR THOMAS NORTH (pinakadakila sa mga tagapagsalin sa Inglatera) ng salin sa Ingles noong 1579. JOHN BOURCHIER – isang tagapagsaling nakilala sa Inglatera noong 1467-1553. Isinalin niya ang Chronicles ni Froissart sa wikang Aleman. ELIZABETH I at II – Ayon kay Savory, ang panahon ng Unang Elizabeth ang itinuring na unang panahon ng pagsasaling-wika sa Inglatera at ang panahon ng Ikalawang Elizabeth ang pinakataluktok ng pagsasaling wika sa Inglatera. Sa panahon ng Elizabeth II (1598-1616), nailathala ang mga salin ni George Chapman sa mga isinulat ni Homer. Lumabas naman noong 1603 ang salin ni John Florio sa Essays ni Montaigne na kasing husay ng Plutarch ni North. At noong 1612 ay isinalin naman ni Thomas Shelton ang Don Quixote. 1792 – nailathala ang aklat ni Alexander Tytler na may pamagat na Essay on the Principles of Translation na nagbigay ng tatlong panuntunan sa pagsasalin. 1. Ang isang salin ay kailangang katulad na katulad ng orihinal sa diwa o mensahe.
MARK Y. GARCIA, MAT-FIL
FILIPINO 602 – PAGSASALING WIKA
2. Ang estilo at paraan ng pagkasulat ay kailangan katulad sa orihinal. 3. Ang isang salin ay dapat maging maluwag at magaang basahin tulad ng sa orihinal. PANAHON NG PAGSASALIN NG BIBLIYA Mayroong dalawang dahilan kung bakit isinalin ang bibliya: Una, dahil ang Bibliya ang tumatalakay sa tao – kaniyang pinagmulan, sa kaniyang layunin at sa kaniyang destinasyon; Pangalawa, dahil sa di-mapasusubaliang kataasan ng uri ng pagkakasulat nito. Ang orihinal na manuskrito o teksto ng Bibliya ay sinasabing wala na. Ang kaunaunahang teksto nito ay nasusulat sa wikang Aramaic ng Ebreo at ito ang pinaniniwalang pinagmulan ng salin ni Origen sa wikang Griyego na kilala sa tawag na Septuagint gayon din ang salin ni Jerome sa wikang Latin. TATLONG PINAKADAKILANG SALIN NG BIBLIYA
Saint Jerome (Latin) Martin Luther (Aleman) Haring James (Ingles-Inglatera).
Samantalang ang kauna-unahang salin sa Ingles ng Bibliya ay isinagawa ni John Wycliffe. Ang unang salin ng mga Katoliko Romano ay nakilala sa tawag na Douai Bible. Si William Tyndale ang nagsalin sa Ingles ng Bibliya buhat sa wikang Griyego na salin naman ni Erasmus. Hindi naging katanggap-tanggap ang salin dahil sa masalimuot na mga talababa. Hindi natapos ni Tyndale at ipinagpatuloy ni John Rogers (Thomas Matthew) at nailathala noong 1537. Nirebisa ito ni Richard Taverner noong 1539. Muli itong nirebisa ni Coverdale at tinawag itong Great Bible. Ilan sa mga kinilalang bersyon ng salin ng bibliya ay ang: Geneva Bible (1560) – Ito ay isinagawa nina William Whittingham at John Knox. Ginamit ang Bibliya na ito sa pagpapalaganap ng Protestantismo. Tinagurian itong “Breeches Bible”. Authorized Version – Ito ang naging pinakamalaganap at hindi na malalampasan.Nakilala ito dahil sa naging panuntunan na ang pagsasalin ay dapat maging matapat sa orihinal na diwa at kahulugan ng Banal na Kasulatan. Ayon ito sa lupong binuo ni Haring James sa pagsasalin ng Bibliya. Taong 1881 lumabas ang English Revised Version. The New English Bible (1970) – ang naging resulta ng pagrebisa ng Authorized Version. Maituturing naman na pinakahuling salin ng Bibliya. Ito ay inilimbag ng Oxford University. Sa dinami-dami ng mga pagsasaling isinagawa sa Bibliya, kinailangan pa rin ang muling pagsasalin dahil sa mga sumusunod na dahilan: (1) Marami nang mga natuklasan ang mga arkeologo na naiiba sa diwang nasasaad sa maraming bahagi ng mga unang salin; (2) Naging marubdob ang pag-aaral sa larangan ng linggwistika na siyang naging daan ng pagpapalinaw ng maraming malabong bahagi ng Bibliya; (3) Ang sinaunang wikang ginamit sa klasikang English Bible ay hindi na halos maunawaan ng kasalukuyang mambabasa bukod sa kung minsan ay iba na ang inihahatid na diwa. NAGSASALUNGATANG PANANAW SA PAGSASALING NG MGA AKDANG KLASIKA VIRGINIA WOOLF – Ang kalakhan ng kinikilalang mga akdang klasika ay ang mga orihinal na nasusulat sa Griyego at Latin, ngunit ayon kay Gng. Virginia Woolf, ang alin mang salin
MARK Y. GARCIA, MAT-FIL
FILIPINO 602 – PAGSASALING WIKA
ay hindi makakapantay sa orihinal sapagkat ang wikang Griyego ay isang wikang maugnayin, mabisa, tiyak at waring may aliw-iw na nakaiigayang pakinggan. Dalawang pangkat ang mga tagapagsaling-wika sa Ingles ng wikang Griyego, ito ay ang makaluma o Hellenizers at ang makabago o Modernizers. Ang layunin ng mga makaluma ay maging matapat sa pagsasalin sa paghahangad na mapanatili ang orihinal na diwa at katangian ng kanilang isinasalin kaya naman pinapanatili nila ang paraan ng pagpapahayag, at balangkas ng mga pangungusap at idyoma ng wikang isinalin sa wikang pagsasalinan. Kasalungat naman ito ng paniniwala ng mga makabago na nagsasabing ang salin ay dapat nahubdan na ng mga katangian at idyoma at nabihisan na ng kakanyahan ng wikang pinagsalinan. ROBERT BROWNING – Ayon naman kay Robert Browning, ang tagasaling-wika ay kailangang maging literal hangga’t maaari maliban kung ang pagiging literal ay lalabag sa kalikasan ng wikang pinagsasalinan. ROBERT BRIDGES – Naniniwala naman si Robert Bridges na higit na mahalaga ang istilo ng awtor kung ang isang mambabasa ay bumabasa ng isang salin. Sa kabila ng magkasalungat na opinyong nabanggit ay may ikatlong opinyong lumitaw, ito ay ang paniniwalang hindi makatwirang piliting ipasok sa wikang pinagsasalinan ang mga kakanyahan ng wikang isinasalin. SAMUEL BUTLER AT EDWARD FITZGERALD – Pareho naman ang paniniwala nina Edward FitzGerald at Samuel Butler na alin mang salin ng mga akdang klasika ay dapat maging natural ang daloy ng mga salita, madaling basahin at unawain. F.W. NEWMAN – Sa mga pagsasalin ni F.W. Newman sa mga akda ni Homer, pinilit niyang mapanatili ang kakanyahan ng orihinal hangga’t maaari dahil naniniwala siya na kailangang hindi makaligtaan ng isang mambabasa na ang akdang binabasa ay isa lamang salin at hindi orihinal. Sumasalungat naman sa paniniwalang ito si Arnold na tagapagsalin din ni Homer. Ayon sa kanya, ang katapatan sa pagsasalin ay hindi nangangahulugan ng pagpapaalipin sa orihinal na wikang kinasusulatan ng isasalin. Samantala, unti-unting nahalinhan ng Roma ang Atenia bilang sentro ng karunungan nang mga panahong iyon. C. DAY LEWIS – Ayon kay C. Day Lewis sa kanyang pagsasalin ng “Aeneid” ni Virgil (na siyang pinakapopular sa panulaang Latin) sa wikang Ingles, upang mahuli ng tagapagsalin ang tono at damdamin, kinakailangang magkaroon ng ispiritwal na pagkakaugnayan ang awtor at ang tagapagsalin. PAUSBONG NA MAKABAGONG PARAAN NG PAGSASALIN (Machine VS. Human Translation) Hindi maitatangging sa umuunlad na teknolohiya, maaari na ring mapalitan ng makabagong pamamaraan ang pagsasalin. Ang katotohanang ito ay bukas naman sa larangan ng pagsasalin ngunit may mga salik na naging dahilan kung bakit hindi mabuobuo ang “machine translator” na sana ay maging daan upang mapabilis ang proseso ng pagsasalin. Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi makabuo ng machine translator para sa di-teknikal na paksa:
Hindi pa maabot ng isip ng kasalukuyang mga sayantist kung papaano mabisang maisasalin ang mga idyoma. Pagkakaiba ng istraktura o pagkasusunod-sunod ng mga salita ng wika. Maraming kahulugan ang maaring ikarga sa isang salita. Napakaraming oras naman ang magugugol sa pre-editing at post-editing ng tekstong isusubo rito. Wala pang computerized bilingual dictionary.
MARK Y. GARCIA, MAT-FIL
FILIPINO 602 – PAGSASALING WIKA
Narito pa ang mga problema sa paglikha ng machine translator:
Ang isip ng tao ang pinakakumplikadong computer machine. Kulang pa sa nalalamang mga teorya ang mga linggwista tungkol sa paglalarawan at paghahambing ng mga wika upang magamit sa pagbuo ng MTr.
MARK Y. GARCIA, MAT-FIL
FILIPINO 602 – PAGSASALING WIKA